Pumatak sa sapatos ko ang isang butil ng pawis. Kailangang makipagsiksikan na naman sa MRT para makauwi. Tumingin ako sa relong pangbisig. Alas-singko ng hapon. Bukas uuwi ako ng Bulacan para makapag pahinga. Mahirap din palang mag ayos ng papel upang makapangibang bansa. Nagkaproblema pa ako ng konti sa birth certificate ko.
Nagtext si mama. Kailan ka uuwi? Ngumiti ako. Makalipas ang isang lingo, makakahiga na rin ako sa kama ko. Bukas po ng hapon.
Dinukot ko ang headset sa may bulsa at pumili ng magandang kanta sa iphone4 na regalo ni diko.
kay bilis ng pangyayari at di
ko namalayan
na ako pala'y iiwan mo ng
ganon na lang
kahit na anong gawin hindi
kayang tanggapin
ng puso ko't isipan na ika'y
lilisan
Bumukas na ang pinto ng tren. Tatlong dipang taong nagsisiksikan para lang makalulan sa isang kahon na maghahatid sa pinakamalapit na sakayan pauwi sa tahanan. Tatlong dipang taong nagsisiksikan para maka upo sa iilang upuang baka sakaling makapawi kahit paunti-unti ng kapagalan mula sa maghapong pakikisuyo sa magulong mundo.
Umibis ako ng pasok. Naniko at nanulak. May nagmura pero hindi ko marinig dahil may pasak ang aking tenga. Napwesto ako sa gawing gitna. Sana nakipagsiksikan pa ako para nagawi manlang ako sa may matutukurang dingding.
May nagpapahid ng pawis. May nagkakamot ng braso. Isang daang mukhang maaring hindi ko na makikita pa. Isang daang katawang nagsisiksikan.
Tumingala ako para hindi ko maamoy ang mabahong anit ng katabi ko. Dumating ang cubao station. Nabawasan ang isang daang taong kaagaw ko ng hangin sa kahong ito.
Nang biglang may nahagip ang aking tingin.
Parang isang iglap nagbalik ang nakaraan. Nakaraang dalawang taong nananahan sa isip ko.
Pinipigil naming dalawa ang tumawa. Bahagya akong tumukod sa rehas sa tagiliran n’ya. Hinila ko s’ya palapit sa akin pra maiwasang masiksik s’ya ng iba. Sabi n’ya, alam n’ya daw ang papuntang sakayan ng bus. Magtitiwala ako kahit na alam kong malamang maligaw kami. Tumingin ako sa mukha n’ya. Singkit na mata at maliit na mga labi. Tumungo ako para amuyin ang kanyang buhok.
“Amoy araw”
“Haa? Ikaw lang ang nakiki amoy eh”
Kakapit sa t-shirt para hindi mabuwal. Dudukot ng panyo sa bulsa para punasin ang pawis sa noo. Titingin sa katabi at palihim na magtatawanan. Malalaglag n’ya ang ID n’ya. Babatukan ko s’ya.
Hindi alintana ang ilang minutong pagtayo at pagkapit. Kasi kasama ko s’ya.
Nakatingin s’ya sa malayo. Malamang hindi n’ya ako nakita. Humaba na ang buhok n’ya. Tumingin s’ya sa relong pangbisig. Uuwi din kaya s’ya sa bulacan? Sana magkasabay kami sa Bus.
maari bang dinggin natatangi
kong hiling
sana ay makapiling kang
muli kang masilayan at muli
kang mahagkan
sana'y di na iwan pang muli
Dumukot s’ya sa bulsa ng kanyang puting polo. Isang cellphone na luma. Hindi pa rin talaga s’ya nagbabago. Ayaw pa rin n’ya ng makabagong telepono. Nakita ko s’yang pumindot at itinapat sa tenga ang hawak n’ya.
Nakikita ko s’yang masaya at bahagyang tumatawa.
May kasintahan na kaya s’ya? Parang bahagya akong nalungkot sa ideyang may kapalit na ako sa puso n’ya. Magkatabi din kaya sila lagi sa bus papauwi? Kumakain din kaya sila sa mga kinainan namin? O magkasamang nanunuod ng sine habang magkahawak ng kamay.
Nahahagkan din kaya n’ya ng maraming beses sa pisngi ang taong pinagseselosan ko? Napupunasan sa noo kapag may tumutulong pawis? Sana malaman ko kung paborito rin n’ya pisilin ang ilong ng maswerteng taong minamahal n’ya katulad ng dating gawi noong panahong kami pa.
Bigla akong nalungkot. Sana maibabalik ko ang ilang buwang winalang bahala ko. Sa pag aakalang magiging ayos ako, nagawa kong hayaang humulagpos sa amin ang pagsasamang dalawang taong pinag ipunan. Dalawang taong pinagimbakan ng masasayang sandali at ala-ala.
Sana kasama ko s’ya at nadadama ang init ng kanyang palad. Naaamoy ang kanyang buhok at tatawa kami nang palihim habang pabulong na pinag uusapan ang mabaho kong katabi. Dudukot ako ng panyo sa bulsa at pupunasan n’ya ang aking noo.
Bigla na lang ako natauhan. Kailangan ko na palang bumaba. Tinitigan ko s’ya. Isinukbit na n’ya ang kanyang backpack at tumayo. Nalaglag ang ID n’ya tulad ng inaasahan ko. Tinawag ko s’ya sa pangalan pero hindi n’ya nadinig. Bigla s’yang humakbang palayo.
Umibis ako ng lakad. Naniko at nanulak. May nagmura pero hindi ko marinig dahil may pasak ang aking tenga. Napulot ko ang ID n’ya at aking ibinulsa. Naglalabasan na ang mga tao pero hindi ko na s’ya makita.
Lumabas na ako sa pinto ng tren. Tatlong dipang taong nagsisiksikan para lang makalabas sa isang kahon na maghahatid sa pinakamalapit na sakayan pauwi sa tahanan. Tatlong dipang taong nagsisiksikan para maka uwi baka sakaling mapawi ng pagtulog ang kapagalan mula sa maghapong pakikisuyo sa magulong mundo.
Hinanap ko s’ya. Hindi ko na makita. Nalungkot ako. Inaasahan ko pa namang magkaka usap kami kahit sandali.
Wala sa loob kong dinukot ang ID n’ya sa bulsa ko.
maari bang dinggin natatangi
kong hiling
sana ay makapiling kang
muli kang masilayan at muli
kang mahagkan
Bettina Aveline.
Paano ko kaya maisosoli ito?
6 comments:
ang tanong ko ngayon: bakit niya hinayaang mawala si bettina aveline?
at bakit maraming umaalingasaw sa bantot na mga construction worker sa mrt?
pahabol: bakit laging may lyrics ng kanta sa mga flash fiction mo?
pansin mo ba L puro parokya ang kanta? wala lang kasi peyborit ko sila haha XD ala kasi ako mailagay pansin mo din :)
naalala kong nagcomment ako noon dito pero mukhang hindi ko nasubmit. antanga lang.
ganda ng mga kuwento mo. mahusay din ang pagkakakuwento. isa pa, nakakarelate ako. hihi!
naalala kong nagcomment ako noon dito pero mukhang hindi ko nasubmit. antanga lang.
ganda ng mga kuwento mo. mahusay din ang pagkakakuwento. isa pa, nakakarelate ako. hihi!
Keko! I miss you na! Affected ako sa post na 'to. :'(
Emo days. Hahaaay. Malalampasan din natin 'to!
Kaya natin 'to ten times! :)
Happy New Year! :)
Post a Comment